Duterte sa mga terorista: 'Kakainin ko kayo sa harap ng tao.


Duterte sa mga terorista: 'Kakainin ko kayo sa harap ng tao'


Sa harap ng Filipino community sa Laos nitong Lunes ng gabi, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang matinding galit sa mga terorista kaugnay ng naganap na pambobomba sa Davao City na nagresulta sa pagkakasawi ng 14 katao at mahigit 60 iba pa ang nasugatan.

“These guys are beyond redemption. Wala na. ISIS, kita mo doon sa Middle East. They’ve burned 20 young girls for refusing to have sex. Anong... 'pag pinaharap mo ako ng gano’n,” saad ni Duterte.

“Alam mo, kaya kong kumain ng tao. Talagang buksan ko ‘yang katawan mo, bigyan mo ako suka’t asin, kakainin kita. Oo, totoo. You, pagalitin mo akong talagang sasagad na, kaya kong kumain ng tao bigyan mo lang ako suka’t asin, kakainin ko sa harap nila ‘yan,” patuloy niya.

Lumabas sa mga ulat na inako ng bandidong Abu Sayyaf Group ang pagsabog sa Davao City noong Biyernes ng gabi pero wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang mga awtoridad sa grupong nasa likod ng pag-atake.

Kasunod ng naganap na pagsabog, idineklara ni Duterte ang "state of lawlessness" sa bansa para paigtingin ang seguridad lalo na sa mga matataong lugar sa tulong ng pulisya at militar.

Bago ang naganap na pagsabog sa Davao City, 15 sundalo rin ang napatay sa pakikipaglaban sa ASG sa Sulu. Pinugutan din ng mga bandido ang 18-anyos nilang bihag.

Nagbabala rin ang ASG na magsasagawa ng pag-atake sa ibang pangunahing lungsod sa bansa.

Hindi naman pagpatinig si Duterte sa mga banta at nangakong tatapusin ang mga bandido.

“Sabi ko sa Bisaya, walay sukod sa balos [revenge has no measure]. Hindi ako magpapautang. Sige lang, bomba lang kayo nang bomba. Pagdating ng panahon, kakainin ko kayo sa harap ng tao," anang pangulo.

"I will devour you and if I have to erase you, gusto ko—sabi ko, pagkatapos, walang makatayo diyan ni isang niyog. Ni isang niyog, walang tatayo diyan. So gano’n yan,” dagdag niya.-- FRJ, GMA News



0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento